MANILA, Philippines - Mula sa Bulacan Provincial Jail ay inilipat na kahapon sa detencion cell ng Philippine Army sa Fort Bonifacio, Taguig City ang high profile detainee na si Ret. Major Gen. Jovito Palparan dahilan sa tumitinding banta sa kaniyang buhay.
Ito’y matapos na katigan ni Malolos Regional Trial Court (RTC) Branch 14 Judge Teodora Gonzales ang mosyon ng kampo ni Palparan.
Si Palparan ay nahaharap sa kasong kidnapping at serious illegal detention sa pagkawala ng dalawang UP students na sina Karen Empeno at Sherlyn Cadapan noong Hunyo 2006.
Bandang alas-2:45 ng hapon nang maihatid ng security escorts si Palparan sa Philippine Army kung saan ay idiniretso ito sa Custodial Center.
Una nang ibinulgar ng AFP na delikado ang buhay ni Palparan sa Bulacan Provincial Jail dahil may limang lider ng NPA na nakapiit din dito ang posibleng magtangkang itumba ang retiradong opisyal na binansagan ng mga itong “Berdugo’ ng kanilang hanay.