Sa paglulunsad ng UBAS... Mar suportado ng simbahan at barangay

MANILA, Philippines - Nagkaisa ang Simbahang Katoliko at ang Liga ng mga Barangay para suportahan si Interior and Local Government (DILG) Sec. Mar Roxas sa kampanya nito na ipatupad ang Daang Matuwid sa  implementasyon ng mga proyekto ng lokal na pamahalaan.

Pormal na pinagtibay ang nasabing suporta sa pagpapatupad ng Daang Matuwid sa mga lokal na pamahalaan nang ilunsad ang Ugnayan ng mga Barangay at Simbahan (UBAS) sa Archbishop’s Palace sa Intramuros, Manila, nitong Biyernes.

Para pagtibayin ang nasabing samahan, pumirma sa isang Memorandum of Agreement sina Sec. Roxas, His Eminence Luis Antonio Cardinal Tagle at Liga ng mga Barangay National President Atty. Edmund Abesamis.

“Napapanahon ang paglulunsad ng UBAS upang tiyakin ang iisang tugon ng simbahan at barangay upang masiguro na ang pondo ng bayan ay tunay na tumutugon sa pangangailangan ng mga mamamayan,” ani Cardinal Tagle.

Ipinaliwanag ni Sec. Roxas na nabuo ang UBAS sa layunin na pakilusin ang ordinaryong mamamayan para masigurong magtatagumpay ang kampanya kontra sa katiwalian sa lahat ng lebel ng pamamahala.

Sinabi ni Roxas na malaki ang maitutulong ng Simbahan at ng mga Barangay para tiyakin na hindi maibubulsa ang mga pondong inilaan ng pamahalaan sa mga proyektong  mapapakinabangan ng  mamamayan.

Isa sa mga programang tututukan ng samahan ang Grassroots Participatory Budgeting Process (GPBP), ang programa ng DILG na naglalayong bigyan ng kapangyarihan ang mamamayan sa pagpili ng mga lokal na proyektong popondohan ng pamahalaan.

Sa ilalim ng GPBP, tutulong ang mga Non-Government Organization at mga samahan ng mamamayan para alamin ang mga proyektong makakatulong sa laban kontra sa kahirapan sa mga siyudad at munisipalidad.

Ayon naman kay Atty. Abesamis, nakahanda ang Liga ng mga Barangay para tumulong sa DILG at sa Simbahang Katoliko para labanan ang kahirapan sa lahat ng panig ng bansa.

 

Show comments