MANILA, Philippines - Kalaboso ang isang 60-anyos na gurong lalaki nang ireklamo ito ng kanyang mga estudyante ng sexual harassment sa Valenzuela City sa magkakahiwalay na insidente.
Ang suspek ay kinilalang si James Lynn, ng Chico St., Barangay Balubaran at isang Mapeh teacher ng Malinta High School sa nabanggit na lungsod.
Sa salaysay ng biktima na 13-anyos sa pulisya na noong Setyembre 8 ay binigyan siya ng suspek ng singsing at tinawag na “Mahal” sa harap ng kanyang mga ka-eskuwela kung saan unang pinalabas ng suspek ang iba niyang estudyante sa kanilang PE room.
Nang ang biktima na lang ang natira at lalabas na rin sa kuwarto ay pinasok ng suspek ang kamay sa blouse sabay tanggal ng strap ng bra, subalit mabilis na nakatakbo ito papalabas.
Nang pauwi na ang biktma ay sinigawan siya ng suspek na nasa gate na mag-ingat at nagbanta na muli pa silang magkikita.
Pagkauwi ng biktima sa bahay ay agad itong nagsumbong sa mga magulang na agad na nagtungo sa presinto at nagsampa ng reklamo laban sa suspek na agad din naaresto.
Habang nasa presinto ang suspek, isa pang estudyante ang nagreklamo at sinabing minsan ay pinatayo siya ng suspek upang mag-recite, subalit pag-upo ay nakasahod na ang kamay ng suspek at naupuan ng una.
Inamoy pa umano ng suspek ang kamay sabay sabi sa biktima na kung naghugas na ito.
Hinihintay pa ng mga pulis ang iba pang magrereklamong mga estudyante laban sa suspek.