MANILA, Philippines - Natagpuang patay at nakasilid pa sa basurahan ang isang di pa kilalang babae sa Delpan Bridge, Binondo, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Ang biktima ay nasa edad na 20- 25, may taas na 5’2, mahaba at blonde ang kulay ng buhok, nakasuot ng pink na polo shirt, shorts na brown.
Sa ibabaw ng kaniyang bangkay ay may nakalagay na placard na “Babala Huwag akong tularan Asit ako”, na ang spelling sana sa ‘asit’ay ‘asset’.
Sa ulat ng Manila Police District-Homicide Section, ang labi ng babae ay nakabalot, pa sa isang malong na may kumbinasyong dilaw at asul ang kulay na nakasilid sa itim na garbage box at ipinasok pa sa isang kahon.
Ang bangkay ay nakitang napupuluputan ng alambre ang leeg na ipinambigti sa kanya, napupuluputan din ang mga paa ng packaging tape, habang ang mukha nito ay nakakitaan ng dugong umaagos.
Namataan lamang umano ang nasabing kahon ng security guard ng Philippine Ports Authority na si Rogelio Figedero Jr.
Teorya ng pulisya, ang biktima ay pinaghinalaang police asset o nagbibigay ng impormasyon sa mga awtoridad kaya ipinapatay ng sindikato ng iligal na droga.