4 Chinese big time drug trafficker tiklo
MANILA, Philippines - Halos P7 bilyong halaga ng shabu ang nasamsam ng mga awtoridad habang apat na umano’y Chinese big time drug trafficker ang nadakip sa isinagawang raid sa laboratoryo at bodega ng droga sa San Fernando City, Pampanga nitong Biyernes.
Ayon kay Chief Insp. Roque Merdeguia, PNP-Anti Illegal Drugs Special Operations Task Force (PNP-AIDSOTF), sa bisa ng warrant of arrest ay magkakasunod na sinalakay ng kanilang mga operatiba at ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa pagitan ng alas-10 hanggang pasado alas-11 ng tanghali ang laboratoryo at bodega ng shabu sa lungsod.
Ang mga suspek na Chinese nationals na sina Jason Lee, Neri Tan at Willy Yap ay huli sa akto na nasa laboratory kung saan nasamsam mula dito ang truck, Montero at 185 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P925 milyong piso at 925 kilo ng ephedrine na sangkap din sa paggawa ng shabu, at karagdagang 725 kilo ng shabu.
Samantalang nahuli naman sa Richtown Subdivision si Ying Ying Hiang alyas Sophia Lee na nakuhan naman sa bodega na imbakan ng droga ng karagdagang humigit kumulang na 200 pang kilo ng shabu. Ang nakumpiskang droga ay tinatayang aabot ng mahigit P7 bilyon ang halaga.
Nabatid na ang mga suspek ay pawang mula sa Xiamen, China na nag-o-operate sa bansa na base sa impormasyon ay mga miyembro ng big time Chua drug syndicate.
Inihahanda na ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Comprehensive Drugs Act of 2000 ang mga nasakoteng drug trafficker na isinasailalim pa sa interogasyon ng mga awtoridad sa PNP-AID-SOTF sa Camp Crame.
- Latest