MANILA, Philippines - Nahaharap sa reklamo ang isang pampublikong ospital sa Quezon City matapos na umano’y mawala ang lamang-loob ng bangkay ng isang babae makaraang masawi ito dahil sa sakit na pelvic tuberculosis.
Ito ay matapos na ireklamo sa Quezon City Police District-Criminal Invetigation and Detection Unit ang pamunuan ng Quirino Memorial Medical Center ng magulang ng nasawing biktima na si Nerissa Bauatis, 24 ng Montalban Rizal.
Sa salaysay ni Aling Wenifreda, 56, nanay ng biktima, September 11, 2014 nang mabatid nila mula sa inupahang Funeraria na nawawala ang lamang-loob at utak ng kanilang anak matapos na kunin ang bangkay nito sa morgue ng QMMC.
Sabi ni Aling Wenifreda, August 23, 2014 nang kanilang dalhin sa ospital ang biktima kung saan ito naratay dahil sa sakit na pelvic tuberculosis.
Pero, September 10, 2014 ay binawian ng buhay ang biktima sa QMMC, hanggang sa ipakuha nila ito sa inupahang funeraria sa ospital nitong Sept. 11, para sa maayos na pagburol. Ngunit laking gulat na lang nila ng ipaalam ng may-ari ng funeraria na wala ng lamang-loob ang bangkay ng kanilang anak at puro dyaryo na lang ang loob ng katawan nito.
Dahil dito’y tinungo nila ang ospital para sa klaripikasyon ng pangyayari ngunit hindi naman umano sila hinarap ng sinumang opisyal ng QMMC.
Isang Dr. Emmie Juaquin umano ang sumuri sa bangkay ng kanilang anak at ito rin ang nag-utos na ipa-autopsy ito upang mapag-aralan kung may iba pang sakit ito na naging sanhi ng kamatayan.
Tiniyak pa umano ni Juaquin ang seguridad na maibabalik sa kanila ang katawan ni Nerissa ng buo kaya hindi dapat mag-alala.
Kasunod nito, pinapirma umano ang mag-asawang Bauatis hingil sa pagpayag nila na ma-autopsy si Nerissa at maghintay ng 24 oras para kunin ang labi nito. Sa kasalukuyan, patuloy ang pagsisiyasat ng CIDU sa nasabing insidente. [Ricky T. Tulipat]