MANILA, Philippines - Nawawala ba ang P100-milyong intelligence fund ng lalawigan ng Bulacan ngayong taon.?
Ito ang naging katanungan ng Bantay Kaban ng Bayan ng Bulacan (BKBB) kaya’t hinamon nila si Governor Wilhelmino Alvarado na iulat ang pinagkagastusan ng nasabing pondo.
Pinuna ng BKBB na simula pa noong 2011 ay walang malinaw na iniulat ang pamahalaang panlalawigan kung saan ginugol ang intelligence fund na nakalaan para sa proteksyon at pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan sa lalawigan.
Sa 2012 audit report na inilabas ng Commission on Audit (COA), nabunyag na walang liquidation report o ulat ang pamahalaang panlalawigan kung saan napunta ang P200 milyong intelligence fund simula pa noong 2011.
Ayon sa batas, dapat na ilaan lamang ang intelligence fund sa mga operasyon na naglalayong puksain ang krimen, pabuya, pagsasaayos ng safehouse, pagbili ng bala, baril, pagkain sa operasyon at iba pang gawain para sa pagbibigay ng proteksyon sa mga Bulakenyo.
Hiniling ng BKBB na iulat ng Pamahalaang Panlalawigan ang pinagkagastusan ng P100-milyong pondo upang maalis ang pagdududa ng mga Bulakenyo kaugnay ng paggastos dito.