MANILA, Philippines - Walang magaganap na whitewash sa kaso ng 10 pulis na sangkot sa EDSA robbery/kidnapping sa dalawang biktimang Muslim na naging viral video sa social networking sites.
Ito ang tiniyak ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) matapos na matukoy na pawang mula sa La Loma Police Station 1 ng Quezon City Police District (QCPD) na ang dalawang unang nasakote ay kinilalang sina Chief Inspector Joseph de Vera at PO2 Jonathan Rodriguez na kinasuhan ng brigandage o highway robbery kidnapping and serious illegal detention sa Mandaluyong City Prosecutor.
Habang patuloy ang pagtugis sa 8 pang pulis na kinilalang sina Sr. Inspector Oliver Villanueva, mastermind sa krimen; SPO1 Ramil Hachero, PO2s Weavin Masa, Mark Depaz, Jerome Datinguinoo, Ebonn Decatoria, dating Inspector Marco Polo Estrera na nadismis sa serbisyo noong 2006; AWOL na si P/Senior Insp. Allan Emlano na dating nakatalaga sa Northern Police District at isang Jane Doe at John Doe.
Ang nasabing mga pulis ay inireklamo ng mga biktimang sina Ustadz Samanodin Abdul Gafur, empleyado ng isang construction company at driver nitong si Camal Mama na siya umanong humarang sa kanilang behikulong Toyota Fortuner sa EDSA Wack Wack, Mandaluyong City habang patungo sana ang mga ito sa Mall of Asia sa Pasay City.
Tinangay ng mga pulis ang P2M cash na pambili sana ng construction equipment sa Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) para sa construction project sa Mindanao.
Samantala, inaprubahan na ni Pangulong Benigno Aquino ang pagbibigay ng reward upang mapabilis ang pag-aresto sa pito pang pinaghahanap na pulis.
Umapela naman si Chief Supt. Reuben Thedore Sindac, Chief ng PNP Public Information Office sa netizens na huwag mag-atubiling kumuha ng larawan at video sa mga kahinahinalang transaksiyon o aktibidad na posibleng isang akto ng krimen at agad na iposte sa social networking sites.
Malaking bagay anya ang ganitong aksyon ng mga netizens dahil bukod sa nakakatulong ito sa imbestigasyon ay pinalalakas nito ang anti-criminality campaign ng pambansang pulisya.