MANILA, Philippines - Dinakip ang umano’y isang faith healer nang gahasain nito ang isang 23-anyos na nagpapagamot ng sakit sa balat sa bayan ng Imelda, Zamboanga Sibugay, ayon sa ulat ng pulisya kahapon.
Ang suspek na si Jesus Bauro Jr., residente ng Brgy, Little, Baguio ng nasabing bayan ay inaresto dakong alas 10 ng umaga sa bahay nito dahil sa isinampang reklamo sa kanya ng biktimang itinago sa pangalang Jellie.
Ayon sa biktima, naganap ang unang panghahalay sa kanya noong Setyembre 2, sa kanilang bahay sa Brgy. Poblacion, kung saan kasalukuyang hinihilot ng suspek ng langis ang katawan ng una.
Pinaghubad umano siya ng suspek at saka biglang isinara nito ang pintuan at mabilis na hinalay. Ikinatuwiran ng suspek na bahagi ng orasyon ang panghahalay nito.
Hindi umano nakuhang lumaban ng biktima dahil na rin sa bigla siyang nahilo dahil sa ipinainom na langis sa kanya ng suspek.
Napilitan namang magsuplong sa pulisya ang dalaga kamakalawa dahil sa may panibago umanong ‘healing session’ na isasagawa ang suspek sa dalaga na muli nitong minolestiya.
Nagsisigaw naman sa paghingi ng tulong ang dalaga at dito na pumasok ang nakaposteng mga operatiba ng pulisya na agad inaresto at pinosasan ang suspek.