MANILA, Philippines - Dead-on-the-spot ang isang 28-anyos na ginang matapos itong barilin ng dalawang beses sa ulo at katawan ng kanyang lover na pulis, naganap kamakalawa ng gabi sa Las Piñas City.
Ang nasawing biktima ay kinilalang si Ana Nerrisa Lee, ng #1009 Aratelis St., Durian Extension, Barangay CAA ng nasabing lungsod.
Tumakas naman ang suspek na si PO2 Voltaire “Bong” Guerrero, nasa hustong gulang, nakatalaga sa Regional Police Holding Center ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.
Sa imbestigasyon ni PO2 Al Shahriff A. Uy, ng Station Investigation Division (SIDMB), bago naganap ang insidente dakong alas-7:25 ng gabi sa loob ng bahay na inuupahan ng mag-live-in sa #1009 Aratelis St., ng nasabing lungsod ay nagkaroon umano ang dalawa nang mainitang pagtatalo.
Sa pahayag ng testigong si Jhon Vergel Muhammad, 15, anak ng may-ari ng inuupahan bahay ng biktima at suspek na kasalukuyan siyang nasa ibaba ng bahay nang marinig nitong nagtatalo ang dalawa.
Narinig lamang niyang pinagmumura umano ng biktima ang suspek at kasunod ay pagdampot ng bote na ibinato sa suspek.
Dito ay narinig niyang nagalit ang suspek at kasunod ay pagputok ng mga baril.
Nakita ng testigo ang pagtakas ng suspek matapos ang pamamaril.
Nakarekober ng mga pulis sa lugar ng insidente ang dalawang basyo ng .9mm pistol na posibleng ginamit ng suspek sa pagpatay.