MANILA, Philippines - Isang opisyal ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang nasa kritikal na kondisyon matapos tambangan ng dalawang kalalakihan kahapon ng umaga sa Dasmariñas City, Cavite.
Kinilala ni Sr.Supt. Joselito Esquivel, Chief ng Cavite Provincial Police Office (PPO) ang biktima na si Russel Jun Sindac, 43-anyos, MMDA Officer na nakatalaga sa Coastal Road.
Batay sa ulat, bandang alas-5:40 ng umaga nang maganap ang pamamaril ng dalawang hindi pa kilalang suspek sa biktima sa tapat ng bahay nito sa Cantimbuhan Apartment, Brgy. Salitran 1 ng lungsod.
Nabatid na kararating lamang ng biktima sa lugar at kasalukuyan nitong ipinaparada ang kulay puting Nissan Urvan (PCO-926) nang bigla na lamang itong pagbabarilin ng dalawang nag-aabang na suspek.
Mabilis na nagsitakas ang mga suspek na sakay ng motorsiklo patungo sa hindi pa malamang destinasyon.