MANILA, Philippines - Nag-iwan muna ng 3 pahinang suicide note ang isang 65-anyos na Australian national na iniwan sa pamunuan ng hotel bago ito tumalon mula sa 21 palapag kahapon ng umaga sa Pasay City.
Basag ang bungo ng biktima na kinilalang si Robert A. Andrews, ng F-3-6 Edna St. Mt. Waverly Victoria, 3149 Australia at pansamantalang nanunuluyan sa Unit 2101, 21th Floor Atrium Hotel EGI Building sa panulukan ng Gil Puyat Avenue at Taft Avenue ng lungsod.
Ayon sa ulat, dakong alas-5:45 ng umaga sa likod na bahagi ng naturang hotel nang marinig ng isang Freddie Seguvia, 32, binata, driver ng service car ng nasabing hotel ang pagbagsak ng biktima na sumabit pa sa kawad ng kuryente bago tuluyang bumagsak sa kalsada.
Kaagad namang ipinagbigay alam ni Seguvia sa tanggapan ng Police Community Precinct (PCP)-3 ang insidente.
Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa silid na inakupahan ng biktima ay nakita ang 3 pahina na suicide note na naka-address sa pamunuan ng Atrium Hotel at ilan sa mga nakasulat ang paghingi nito ng tawad sa pamunuan.
Ang biktima ay nag-check in noong Agosto 27 at inookupahan nito ang unit 2101 at magtatapos sana ang kanyang pag-stay sa noong Agosto 31 na pawang binayaran nito.
Subalit, humingi pa ito ng tatlong araw na extension sa hindi pa mabatid na dahilan hanggang sa isinagawa ang papapatiwakal.