MANILA, Philippines - Sasalubungin ng hero’s welcome ang 75 Pinoy UN peacekeepers sa kanilang pagbabalik-bansa matapos ang duty sa Golan Heights.
Kaya naman ay inilalatag na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang paghahanda para sa mga Pinoy na nakaligtas matapos ang standoff.
Sinabi ni AFP Chief of Staff Gregorio Pio Catapang Jr., dapat lamang bigyan ng mataas na pagkilala ang mga magigiting na Pinoy na hindi sumuko sa kabila ng banta ng Syrian rebels.
Hindi anya matatawaran ang tatag, katapangan at paninindigan ng 75 peacekeepers sa gitna ng peligro.
Una nang sinabi ng AFP na kumpiyansa sila sa kakayahan ng Philippine contingent sa Golan Heights, batid umano ng mga ito ang gagawin sa harap ng panggigipit ng Syrian rebels na humantong sa ‘greatest escape’.