MANILA, Philippines - Isang panukalang batas ang isinusulong ng isang mambabatas sa pagbibigay ng 20 porsiyentong diskwento sa terminal fees para sa mga senior citizens.
Ayon kay Bacolod City Rep. Evelio Leonardio, dapat hindi maging masyadong magastos ang pagbisita ng mga senior citizens sa mga tourist spots tulad ng Boracay sa Aklan, Chocolate Hills sa Bohol o Mayon Volcano sa Albay.
Sa ilalim ng House Bill 4697 aamyendahan nito ang Section 4 (a) ng Republic Act No. 7432, o “Expanded Senior Citizens Act of 2010.”
Nakasaad sa nasabing batas, na ang mga senior citizens ay bibigyan ng 20% diskuwento sa booking transportation fare sa mga domestic air transport services at barko, subalit hindi kasama ang passenger terminal fees.
Ayon sa mambabatas, makakatulong sa mga senior citizens ang pagsama sa listahan ng discounted fees para sa senior citizens ang pagbabayad ng passenger terminal fees.