Pinoy troops nakatakas sa Syrian rebels

MANILA, Philippines - Ilang araw matapos palibutan at gipitin ng Islamist militants sa kanilang puwesto sa Golan Heights ay nailigtas na ang higit 70 Pinoy peacekeepers.
Sa isang pulong balitaan, inihayag ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Gregorio Catapang, nai­lipat na sa Camp Ziuoani ang mga Pinoy mula sa Position 68 at 69 na u­nang inatake ng Syrian rebels. Habang ang iba ay nasa Camp Faouar na.
Magugunita na umaga ng Sabado nang inatake ng Syrian rebels ang Position 68 na matagumpay namang naidepensa ng Pinoy peacekeepers.

Kaya’t napilitan ang UN Disengagement Observer Force (UNDOF) na ilipat na ang Pinoy troops sa mas ligtas na posisyon.
Nabatid na dakong alas-7:00 Sabado ng gabi, isang oras na naglakad ang mga Pinoy peacekeepers hanggang maabot ang Camp Ziuoani na kampo na ng Pilipinas.
Tumulong din ang mga tropa mula Amerika, Qatar, Syria at Israel sa matagumpay na pag-eskapo ng Pinoy troops. Wala namang napaulat na nasugatang Pinoy.

Binansagan pa ni Cata­pang na “great escape” ang pagtakas ng mga Pinoy lalo’t masigasig ang mga rebelde sa tangkang pagkubkob sa kampo.

Kinumpirma ng UN sa isang pahayag ang pagtigil ng putukan sa Position 68 at una nang pagkakaligtas ng 32 Filipino peacekeepers mula sa Position 69.

Huwebes, Agosto 28 nang makagirian ng Pinoy UN peacekeepers ang mga rebeldeng Syrian sa Golan na kung saan ay inutusan ng mga Syrian na lumalaban sa kanilang gobyerno na isuko ng mga Pinoy ang kanilang armas, bagay na tinutulan ng tropa.

Pinaninindigan naman anya ng Pinoy peacekee­pers ang hindi pagsuko ng kanilang armas lalo’t maaaring i-hostage pa sila ng mga rebelde tulad ng ginawa sa 43 sundalo mula Fiji na hawak pa rin hanggang ngayon. 
Ang mga Pinoy peacekeepers ay ba­hagi ng U. N. force na UNDOF na tumututok sa disengagement zone sa pagitan ng Israel at Syria mula noong 1974.

 

 

Show comments