MANILA, Philippines - Nakipagbakbakan na ang Pinoy peacekeepers sa Syrian rebels kahapon ng umaga sa tumitinding tensiyon sa Golan Heights.
Kinumpirma kahapon ni Defense Secretary Voltaire Gazmin ang kasalukuyang bakbakan ng tropa ng pamahalaan at Syrian rebels.
“We are under attack (Golan Heights), our peacekeepers are exchanging fire with Syrian rebels”, pahayag ni Gazmin.
Sa impormasyong nakarating sa tanggapan ni Gazmin, dakong alas-6:00 ng umaga kahapon (alas-11:00 ng tanghali sa Pilipinas) nang magsimulang paputukan ng Syrian rebels ang Position 69 at isinunod naman ang Position 68 na binabantayan ng nasa 75 AFP contingent sa Golan Heights.
Una nang inihayag ni Col. Roberto Ancan, Commander ng Peacekeeping Operations Center na handa silang gumamit ng ‘deadly force’ at makipagbarilan sa Syrian rebels upang idepensa ang pasilidad ng United Nations na binabantayan ng mga Pilipinong sundalong peacekeepers sa nasabing bansa.
Nitong Biyernes ay nagbigay ng ultimatum ang Syrian rebels laban sa 75 AFP peacekeepers na isurender ang kanilang mga armas kung hindi ay hindi ng mga ito maiibigan ang kanilang susunod na hakbang na magpaulan ng bala sa Station 68 at 69 ng tropa ng mga Pinoy peacekeepers.