13 katao inararo ng fire truck

MANILA, Philippines - Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang 42-anyos na tindera ng gulay habang 12 iba pa ang nasugatan matapos na sila ay salpukin ng isang trak ng bumbero naganap kahapon ng hapon sa Angel Linao St., Paco, Maynila.

Ang nasawi ay kinila­lang si Corazon Capambe, tindera sa Paco Market, na nasagasaan ng Southern Manila Fire truck na nakabase sa Paco Fire Station.

Nasugatan ang 12 katao na ang pito dito ay menor de edad na ang ilan ay nasa malubhang kalagayan.

Ang suspek na driver ng fire truck na nakapiit na sa police station ay kinila­lang si John Mark Calica, 35, na nasugatan matapos na gulpihin ng taumbayan.

Sa salaysay ni Calica na bago nangyari ang aksidente dakong alas-3:00 ng  hapon ay nawalan na umano siya ng preno mula pa sa Quirino Highway hanggang sa umabot sa Pedro Gil at paliko sa A. Linao St., kung saan nakabase ang kanilang fire truck ay nawalan na ito ng kontrol at inararo ang mga taong nadaanan, ilang  nakaparadang sasak­yan at isang pedicab na may dalawang pasahero ma­ging ang mga bata na nasa gilid ng kalye at palengke.

Nang mamatay ang makina at huminto ang truck ay dito na ginulpi ng mga tambay ang driver.

Naawat lang ang pambubugbog nang rumes­ponde ang mga tauhan ng Paco Police Station dahil sa mismong tapat ng kanilang presinto naganap ang insidente. -Ludy Bermudo, Patrick Andal (trainee)-

 

Show comments