MANILA, Philippines - Sa loob mismo ng kampo binaril at napatay ang isang Sarhento ng kasama nito nang maungkat ang matagal nilang alitan kamakalawa sa compound ng kanilang himpilan sa Brgy. Doña Cecilia, Sirawai, Zamboanga del Norte.
Nasawi noon din ang biktima na kinilalang si Sgt. Romeo Piedad, nakatalaga sa 1st Mechanized Infantry Division (ID) dahil sa mga tinamong tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sumuko naman ang suspek na si Corporal Greggy Patpat, 31-anyos sa kaniyang superior na si Lt. Chesler Mastino, Commanding Officer ng Charlie Company ng Army’s 10th Infanty Battalion (IB).
Sa ulat, naganap ang insidente sa compound ng Charlie Company ng 10th Infantry Battalion (IB) sa Brgy. Doña Cecilia, Sirawai ng lalawigan nang bigla na lamang walang kaabog-abog na pagbabarilin ng suspek gamit ang armalite ang biktima.
Nabatid na naungkat ang matagal ng alitan sa pagitan ng biktima at ng suspek.