MANILA, Philippines - Posibleng dumanak ng dugo kung papalag ang mga tauhan ni dating Moro National Liberation Front (MNLF) Chairman Nur Misuari sa gagawing pag-aresto ng mga security forces ng pamahalaan sa kanilang lider matapos na matukoy ang pinagtataguan nito.
Ito ang pag-amin kahapon ni Defense Secretary Voltaire Gazmin kaya nag-iingat ang joint operations ng militar at pulisya sa mga hakbang na isasagawa para isilbi sa puganteng si Misuari ang warrant of arrest dito.
Sa kasalukuyan napapalibutan ng militar ang kinaroroonang lugar sa lalawigan ng Sulu si Misuari.
“Well, kino-contain siya sa isang lugar, ngayon meron siyang warrant of arrest, kelangan ang mag-serve ng warant dito will be the PNP so that it’s a joint operation between the PNP and AFP”, ani Gazmin.
Si Misuari, nahaharap sa kasong rebelyon ang itinuturong mastermind sa madugong Zamboanga City siege noong Setyembre ng nakalipas na taon na kumitil ng mahigit 200 katao na karamihan ay MNLF fighters na ang krisis ay tumagal ng 20 araw.
Nabatid na nitong Agosto 24 ay namataan si Misuari sa isang lugar sa Panamao, Sulu na nanawagan ng kasarinlan sa itinatag nitong United Federated States of Bangsamoro Republic.