MANILA, Philippines - Sinampahan ng kaso ng humigit kumulang sa 300 katao na kumuha ng hulugang lote sa pekeng land owner, real estate developer at real estate broker na nag-o-operate sa Brgy. Guyong, Sta. Maria, kung saan nagbebenta ang mga ito ng lupa sa mababang halagang lamang gayung hindi naman sa kanila ang mga titulo ng lupang kanilang inalok sa Bulacan.
Sa salaysay ng mga nagsampa ng reklamo na bumili sila ng tig-isang parsela ng lupa na may sukat na 67 metro kuwadrado sa Marjanaz Corporation na sinabing pag-aari ng isang Mario Nazareno noong Hunyo 23, 2013, na may opisina sa By-pass road sa kanilang barangay at nagbayad sila ng down payment na tig-P10,000 at naghulog kada buwan ng P1,340 sa Marjanaz.
Lumipas ang ilang buwang paghuhulog sa lupang kinuha ng mga biktima ay nagulat sila nitong Pebrero 10, 2014 ng hindi na tinanggap ang kanilang hulog ng dalawang kompanya at pilit silang pinapipirma sa isang kontrata o kasunduan, taliwas sa kanilang napagkasunduan.
Hindi nila pinirmahan ang nasabing mga bagong kontrata kaya tinakot sila ni Nazareno na babalewalain ang lahat ng na-i-downpayment at mga naihulog sa lupa.
Doon na sila naghinala at nang magsiyasat ay natuklasan na hindi nakapangalan kay Nazareno at iba pang suspek ang titulo ng lupang ibinebenta.