MANILA, Philippines - Sa pagdinig kahapon ng House Committee on Transportation ay umamin ang pamunuan ng Metro Rail Transit na dumarami ang mga insidente ng interruptions dahil sa madalas na isyu sa maintenance ng pasilidad.
Sinabi ng mga opisyal ng MRT 3 na umaabot sa apat na service interruptions ang nangyayari sa transport system kada buwan mula Enero hanggang Hulyo 2014.
Malaki umano ang itinaas nito mula sa dating average na 1.83 service interruption noong 2008 o kahit pa sa 2.83 kada buwan noong 2013.
Bukod dito marami din umano sa bahagi ng pasilidad ang may sira tulad ng escalator, elevator at pati ang ticketing office.
Nangyayari ito sa kabila ng napakalaking ibinabayad sa maintenance providers ng MRT 3 tulad ng Sumitomo na unang nakakuha ng maintenance contract sa halagang P2.35 bilyon kada buwan sa loob ng isang taon.
Habang P1.50 milyon dolyar naman kada buwan ang bayad sa Philippine transports sa loob ng sampu at kalahating buwan habang 57 milyon dolyar naman ang bayad sa Global Apt sa loob ng isang taon.
Sa laki ng problema sa MRT 3 ay mangangailangan umano ito ng anim na bilyong piso para sa mga rehabilitation projects na isasakatuparan hanggang 2016.