MANILA, Philippines - Patuloy na inirereklamo ng mga mangingisda sa Zambales ang walang habas na mangingisda gamit ang dinamita sa kanilang lalawigan.
Ayon kay Marietto Nista, mangingisda sa bayan ng Subic, ilang taon na rin niyang nakikita na maraming mangingisda ang nagpapaputok sa dagat upang makahuli ng mga isda, subalit ang mga ito ay hindi umano inaaresto ng mga otoridad.
Nangangamba si Nista na kapag nagpatuloy ang ganitong illegal na pangingisda ay manganganib ang kanilang hanap-buhay dahil na rin sa pagkasira ng mga yamang-dagat.
Nagtataka si Nista kung bakit wala gaanong nahuhuli ang mga kinauukulan sa mga nagdidinamita gayung malapit lamang sa pantalan ng Subic ang detachment ng Philippine Coast Guard.
Sa bayan naman ng Masinloc, problema din ng mga lokal na mangingisda ang operasyon ng mga nagpapasabog sa dagat para makahuli ng isda. Ayon kay Alberto Esmende, isang mangingisda, mas kinakatakutan nila ang mga nagdidinamita sa kanilang karagatan kaysa sa mga Chinese coast guard na nagbabantay sa Panatag o Scarborough shoal na pinag-aagawan ng Pilipinas at China.
Iginiit naman ng Philippine Coast Guard na patuloy ang kanilang pagbabantay sa karagatan upang mapatigil na ang dynamite fishing sa Zambales.
Aminado si Chief Petty Officer Joseph delos Reyes, deputy station commander ng Philippine Coast Guard Subic detachment, na malaki ang problema ng bayan ng Subic pagdating sa mga illegal na pangingisda.
Ayon pa kay Delos Reyes, malaking hamon para sa kanila ang pagpuksa sa pagdidinamita sa karagatan lalo pa’t kulang sila sa mga kagamitan, tulad ng mga speed boat at nangako na patuloy silang magbabantay sa karagatan upang kahit papaano ay mabawasan ang insidente ng pagdidinamita.