MANILA, Philippines - Hindi nakayanan ng isang 30-anyos na misis ang sobrang selos na gumugulo sa kanyang isipan na ang kanyang mister ay may ibang babae kung kaya’t nagawa nitong tapusin ang buhay sa pamamagitan ng pag-inom ng lason kamakalawa sa Brgy. Kabatan, Vincenzo Sagun, Zamboanga del Sur.
Kinilala ang nasawing biktima na si Juliet Malintad, residente sa nasabing lugar.
Batay sa ulat, bago natagpuang nakahandusay dakong alas-3:00 ng hapon ang biktima sa loob ng kanyang bahay sa Purok Cadena de Amor, Brgy. Kabatan, Vincenzo Sagun ay nagkaroon muna sila ng tampuhan ng kanyang mister na si Oscar Alicaway.
Pinararatangan umano ng ginang ang mister na may ibang babae ito dahil nanlalamig na ito.
Umalis ang biktima bandang alas-8:00 ng umaga sa kanilang bahay at nanguha ng tubli, isang uri ng halamang ugat na nakalalason na umano’y hinaluan pa ng gas saka nito ininom.
Laking gulat ng mister nang makitang nakahandusay at bumubula ang bibig ng biktima na agad binawian ng buhay.