MANILA, Philippines - Ang tatlong impeachment complaint na inihain laban kay Pangulong Noynoy Aquino ay “sufficient in form“.
Ito ang idineklara ng House Committee on Justice matapos ang unang botohan para sa unang impeachment complaint na kung saan ay mayroong 53 kongresista ang pumabor 1 ang hindi at 1 ang nag-abstain.
Ang nasabing reklamo ay inihain ng ibat ibang grupo sa pangunguna ni Bagong Alyansang Makabayan Secretary General Renato Reyes na inindorso naman nina Bayan Muna Reps. Neri Colmenares at Carlos Zarate, Anakpawis Rep.Fernando Hicap at Gabriela Rep. Luz Ilagan.
Inakusahan dito si Aquino ng culpable violation of the Constitution at betrayal of public trust dahil sa isyu ng Disbursement Acceleration Program (DAP).
Bago naideklarang sufficient in form ay dumaan ito sa butas ng karayom matapos kwestyunin ni Ilocos Norte Rep. Rudy Farinas ang umanoy depekto sa impeachment complaint dahil sa endorsement ni Colmenares ay binanggit nito ang Bagong Makabayan at hindi binanggit ang pangalan ni Reyes na siyang complainant.
Matapos igiit ni Justice Committee Chairman Neil Tupas Jr. ang isyu ng pagiging liberal sa ngalan ng hustisya na sinangayunan na rin ng mayorya ng mga miyembro ng komite.
Ayon kay Tupas na walang malaking epekto sa kabuuan ng reklamo kaya inatasan na lang nito ang committee secretariat na i-correct ang nakitang minor deffect.
Sa ikalawang impeachment complaint na inihain ng grupong Youth Act Now at 28 iba pa ay inendorso ni Kabataan partylist Rep. Terry Ridon at pumabor ang 42 kongresista, 7 ang hindi at 4 ang nag-abstain.
Ang ikatlong impeachment complaint ay walang kahirap-hirap na pumasa nang magkaroon ng unanimous decision ang mga kongresista.
Ang nasabing reklamo ay isinampa nina Satur Ocampo at dating Congressman Teddy Casino kaugnay naman sa usapin ng Enhance Defense Cooperation Agreement (EDCA) at inindorso naman ni Gabriela partylist Reps. Emmi de Jesus at Luz Ilagan.
Magsasagawa muli ng pagdinig ang komite sa Setyembre 2 para pagbotohan ang “ang sufficient in substance“ at kapag pumasa ay saka iko-consolidate ang tatlong reklamo bago magkakaroon ng determination of probable cause.