Dadalaw sa bilangguan naaresto sa shabu

MANILA, Philippines - Hindi nakaligtas sa mga otoridad ang shabu na inilagay ng isang  28 anyos na  babae sa kanyang  suot na bra  nang dalawin nito ang isang nakakulong na dating pulis na babae na kanyang kaibigan sa  Manila Police District–Integrated Jail kamakalawa ng hapon.

Sa ulat ni  PO3 Thelma Samodio, ng MPD-Wo­mens and Childrens Protection section, dakong alas-5:15 ng hapon nang maaresto si  Ma. Lavina Torres, ng 2141 Int., 3 Jesus St., Pandacan, Maynila.

Bago ito dadalawin sana ni Torres ang  kanyang kaibigan na  si SPO1 Lovely Bacani, isang dating pulis-Maynila.

Bago papasukin ay  kinapkapan muna  si Torres   at  nakuha sa kanya ang isang plastic sachet ng shabu sa loob ng kanyang bra.

Ininguso naman nito na si Bacani ang siyang nag-utos na bumili ng shabu.

Si Bacani ay naunang inaresto at ikinulong makaraang maaresto ng MPD-Anti Carnapping Unit nang nasangkot sa carnapping at droga.

Mukhang minalas naman si Torres dahil ang dadalawin niyang si SPO1 Bacani ay nakalaya na noong pang Sabado makaraang nakapagpiyansa.

Show comments