MANILA, Philippines - Hinatulan ng habambuhay na pagkabilanggo ng korte ang dating actor at congressman na si Dennis Roldan matapos na mapatunayang nagkasala ng walang pag-aalinlangan sa kasong pangingidnap sa isang Filipino-Chinese na batang lalaki noong 2005.
Sa desisyong ibinaba kahapon ni Presiding Judge Rolando Mislang ng Pasig City Regional Trial Court (RTC) Branch 167, si Roldan, o Mitchell Gumabao sa tunay na buhay, at dalawang kasabwat nitong sina Rowena San Andres at Adrian Domingo, ay sinentensyahan ng reclusion perpetua o habambuhay na pagkabilanggo, dahil sa pagdukot kay Kenshi Yu, na noon ay tatlong taong gulang pa lamang.
Pinawalang-sala naman ng hukuman sa kaso ang isa pang akusado na si Octavio Garces. Pagkatapos ng pagdinig ay kaagad nang ibiniyahe sa New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa City si Roldan, na personal na dumalo sa promulgasyon, gayundin sina San Andres at Domingo.
Batay sa record na si Roldan ay inaresto noong Pebrero 20, 2005 makaraan ang matagumpay na rescue operation sa biktima sa Cubao, Quezon City.
Pansamantala siyang nakalaya mula sa isang taong pagkabilanggo sa Pasig City Jail matapos na maglagak ng kalahating milyong pisong piyansa habang ang kanyang mga kapwa akusado ay nanatili sa bilangguansimula nang maaresto noong 2005. Hindi naman pinanghinaan ng loob si Roldan sa desisyon ng hukuman at sinabing simula pa lamang ito ng laban. Hindi pa rin umano siya nawawalan ng pag-asa dahil maaaring may misyon lamang para sa kanya ang Panginoon.
Tiniyak naman ng legal counsel ni Roldan na si Atty. Orlando Salatandre Jr. na iaapela nila ang kaso sa Court of Appeals.