MANILA, Philippines - Nauwi sa malagim na trahedya ang outing ng magkaibigan kasama ang kanilang mga nobya matapos na malunod ang sa isang ilog kamakalawa sa Gen. Trias, Cavite.
Ang mga nasawi ay kinilalang sina Jedel Carillo, 28, construction worker at Rex Enopiquez, 22,warehouseman, kapwa stay-in employee ng Rio De Oro Subdivision, Brgy. Buenavista 1, Gen. Trias, Cavite.
Sa ulat, bago nangyari ang insidente dakong alas-2:00 ng hapon ng nagkayayaan ang magkaibigan na mamingwit sa Binigtal River na matatagpuan sa Brgy. Buenavista 1.
Habang namimingwit ay na-engganyo ang magkaibigan na maligo sa ilog nang bigla na lamang lumakas ang agos ng ilog at tinangay si Carillo at nadala sa malalim na bahagi ng ilog.
Agad tinulungan ni Enopiquez ang kaibigan, subalit sa halip na mailigtas ay kapwa sila nilamon ng ilog hanggang sa tuluyang malunod.