MANILA, Philippines - Dalawang tricycle driver ang nasawi nang sila ay pagbabarilin ng riding-in-tandem criminals kamakalawa ng hapon sa Caloocan City.
Kapwa idineklarang dead-on-arrival sa Manila Central University Hospital ang dalawang biktima na sina Rommel Manalastas, 43-anyos, at Ferdinand Pamparo, 47-anyos.
Batay sa ulat, dakong alas-2:00 ng hapon habang naghihintay ng kanilang mga pasahero ang mga biktima sa kanto ng 8th Avenue at MH Del Pilar Street nang dumating ang isang motorsiklo sakay ang dalawang suspek.
Walang kaabog-abog na pinaputukan ng angkas ang biktimang si Manalastas na sa kabila ng tama ng bala ay nakatakbo at nagtangkang magtago sa tricycle ni Pamparo.
Sinundan ng mga salarin si Manalastas at muling pinagbabaril upang tiyakin ang kamatayan nito, ngunit nadamay si Pamparo.
Sa salaysay sa pulisya ng kapatid ni Manalastas na si Ronnie na isang alyas “Adonis Paz” ang umano ay nasa likod ng pamamaslang sa kanyang kapatid.
Sinabi nito na nakatanggap kamakailan ang kapatid ng “death threats” buhat kay Paz na isa umanong kilalang tulak ng iligal na droga.
Nadakip kamakailan si Paz ng mga pulis at maaaring pinaghinalaan nito si Manalastas na siyang nagturo sa kanya sa mga pulis ukol sa mga iligal na aktibidad kaya’t ito ay itinumba.