MANILA, Philippines - Isang agaran at malawakang imbestigasyon ng Kongreso ang panawagan ni ABAKADA partylist Rep. Jonathan Dela Cruz tungkol sa operasyon ng Metro Rail Transit (MRT) sa biglaang pagtigil ng buong linya nito noong Sabado mula North Ave. sa Quezon City hanggang sa EDSA Rotonda sa Pasay City.
Muling ipinaalala ni Rep. Dela Cruz ang hindi pagdinig sa kanila ng MRT at Department of Transportation and Communications (DOTC) sa babala ng kanilang grupo, ang House Independent Minority Bloc, na isang aksidente ang naghihintay sa MRT dahil sa miserableng kondisyon nito sanhi ng sigalot sa pag-aari.
Hiningi rin ni Dela Cruz ang agarang suspensyon ng lahat ng opisyal at tauhan ng MRT na may naging papel sa kwestiyonableng pagbibigay ng kontrata sa operations at maintenance (O&M) sa isang hindi kilalang kumpanya, ang Global Inc.-Autre Porte Technique consortium.
Pinuna ni Dela Cruz na wala nang narinig na anuman mula sa DOTC at MRT matapos kwestiyunin ng iba’t ibang sektor ang kontrata matapos payagan na basta na lamang magbitiw si dating MRT General Manager Al Vitangcol matapos itong akusahan ng tangkang pangingikil ng US$30 million sa kumpanya ng tren ng Czechoslovakia.
Kinuwestiyon din ni Rep. Dela Cruz kung bakit hindi magalaw o mapagsabihan man lang ng DOTC at MRT ang kumpanya, na tumatanggap ng P57 milyon isang buwan o P1.9 milyon isang araw para panatilihing maayos at ligtas ang mga tren.
“Bakit takot na takot sila na komprontahin at pagpaliwanagin ang Global at bigyan ng ultimatum na kakanselahin nila ang kontrata kung hindi aayusin ng kumpanya ang trabaho nito,” pahayag ni Rep. Dela Cruz.