MANILA, Philippines - Hindi malayong pagplanuhang itumba si dating Major Gen. Jovito Palparan sa piitan nito sa Bulacan Provincial Jail dahil sa may kasama itong limang lider ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) na nakakulong doon.
Ito ang pinangangambahan ni AFP Chief of Staff Gen. Pio Gregorio Catapang Jr., base na rin sa ‘threat assessment’ ng intelligence officials at operatiba ng AFP.
Ayon kay Catapang na kailangang maprotektahang mabuti ang buhay ni Palparan hanggang sa matapos ang paglilitis dahil mismong ang AFP ay nais ring mabatid ang katotohanan sa likod ng kaso ng itinuturing na high profile fugitive na retiradong opisyal.
Napag-alaman na limang lider ng NPA rebels ang nakapiit rin sa Bulacan Provincial Jail na bagaman hindi naman kasama ni Palparan sa selda ay iisa ang lugar na ginagalawan ng mga ito sa page-ehersisyo, kinakainan at pinagpapahingahan.
Bukod sa nasabing limang lider ng NPA ay sinasabing delikado rin ang buhay ni Palparan sa mga bumibisita sa mga ito na maaring kapag nakakuha ng pagkakataon ay pagtangkaan rin ang buhay.
Si Palparan, tinaguriang berdugo ng NPA at may patong sa ulong P5M ay naaresto sa raid sa isang lumang bahay sa Teresa St. sa Sta. Mesa, Maynila noong Agosto 12 ng taong ito.