MANILA, Philippines - Dahil sa iligal na droga, itinumba ng hinihinalang miyembro ng isang sindikato ang isang babae na inakala umano na “police asset”, kahapon ng madaling araw sa Navotas City.
Nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan ang biktimang nakilalang si Jacquelyn Leongson, 42, walang trabaho, ng Block 33 Lot 20 Aries Street, Brgy. San Roque, ng naturang lungsod.
Sa ulat ng Navotas Police, naglalakad mag-isa ang biktima dakong alas-2:20 ng madaling araw sa Fatima St. Barangay Daang Hari, nang sumulpot ang nag-iisang suspekbuhat sa likuran at agad na pagbabarilin ng malapitan si Leongson, habang mabilis naman tumakas ang suspek.
Bagama’t blangko sa pagkakakilanlan ng salarin dahil sa kawalang-kooperasyon ng mga residente, naniniwala ang pulisya na napagkamalan ng sindikato ng iligal na droga ang biktima na isang police asset dahil sa palaging kasama ito ng isang totoong police asset.