Lider ng carnapping group, 5 pa nadakip
MANILA, Philippines - Nadakip ng mga otoridad ang isang lider at lima nitong miyembro ng carnapping group sa walang humpay na follow-up operation sa Caloocan, Malabon at kalapit na probinsya na Bulacan at Quezon.
Kinilala ang mga suspek na sina Mac Lester Reyes, 37, lider ng grupo; Richell Sibug, 30; Armando dela Cruz, 26; Alvin Ganac, 19; Pablito Gumasing, 34; at Macario San Diego, 23.
Batay sa ulat, bago naaresto ang mga suspek ay nakatanggap ng intelligence information ang otoridad noong Agosto 13, 2014 na isang hinihinalang carnap ang sasakyang Toyota Prado (XRP-290) na ginagamit ng suspek na si Dela Cruz at Ganac na ibabagsak sa may R. D Surplus Store sa kahabaan ng Cardiz St., Banawe, Quezon City ganap na alas-9:00 ng gabi.
Ang Prado ay karnap dahil ang plaka nito ay pag-aari ng isang kulay maroon na Isuzu D-Max na nakarehistro sa isang Ruperto Dioso na iniulat na kinarnap habang nakaparada sa may Medical St., GSIS Village, Project 8 noong Hunyo18, 2014.
Sinundan ng mga otoridad ang Prado hanggang pumasok sa isang compound sa Bustamante St., Malabon at dito ay, sinalakay ng mga otoridad at nadakip sina Dela Cruz at Ganac.
Itinuga ng dalawa ang hideout ng kanilang lider na si Reyes sa may isang condominium sa no.121 Kabigting St., Brgy. 127, Caloocan City.
Nagsagawa ng operasyon ang mga otoridad sa lugar kasabay ng pakikipag-ugnayan sa Caloocan City Police at nabatid na si Reyes ay may standing warrant of arrest sa kasong carnapping at illegal possesion of firearms.
Nang maaresto si Reyes ay narekober ang isang kalibre 45 baril at dalawang plastic sachet ng shabu, gayundin ang isang Toyota Hi-Ace van at isang Nissan Patrol, ilang pickup na gamit sa kanilang iligal na operasyon.
- Latest