Matapos mag-asawa ng iba... Nars tinodas, ex-BF na pulis nag-suicide
MANILA, Philippines - Binaril muna at napatay ng isang pulis ang dating nobya na isang balikbayang nurse bago ito nagbaril sa sarili na naganap sa Tapaz, Capiz kamakailan.
Kinilala ang nasawing nurse na si Jovelyn Pio, 26-anyos na nagtamo ng tatlong tama ng cal. 9 MM pistol sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Ang suspek na namatay din matapos magbaril sa sentido ay kinilalang si PO1 Jesus Farillon.
Sa ulat ni Inspector Leomindo Tayopon, hepe ng Tapaz Police, sila ay nakatanggap ng tawag sa telepono dakong alas-3:00 ng hapon at iniulat ang nasabing krimen na naganap sa Brgy. Taslan.
Sa pahayag ng mga kapitbahay ng biktima na apat na putok ng baril ang kanilang narinig mula sa bahay nito kaya’t tinungo nila ang bahay at laking gulat nila ng makita ang nakabulagtang duguang katawan nina Pio at PO1 Farillon.
Bago ang krimen ay pinuntahan ni PO1 Farillon ang bahay ng biktima at hiniling nito na muling ibalik ang kanilang relasyon.
Subalit, tumanggi si Pio dahil sa nag-asawa na siya at buntis na sa panganay na anak na hindi umano matanggap ng pulis.
Sa galit ng pulis ay kinuha nito ang kanyang baril at tatlong beses na pinagbabaril ang dating nobya.
Nang mapatay ang dating nobya ay nagpakamatay din ito nang barilin ang sentido.
Napag-alaman na walong taong naging magkasintahan sina Pio at PO1 Farillon at nang mag-abroad ito nagkaroon ng asawa at buntis sa panganay nilang anak.
Si Pio ay nagtratrabaho sa ibang bansa ay kauuwi lamang sa Pilipinas nitong Agosto 15, 2014.
- Latest