Trike driver dedo sa kabaro

MANILA, Philippines - Dahil sa agawan sa pasahero ay isang tricycle driver ang nasawi nang saksakin ng kabaro kahapon ng umaga sa Caloocan City.

Nasawi noon din dahil sa tinamong mga saksak ang biktimang si Jose Umbaga, 47-anyos, residente ng naturang lungsod.

Tumakas ang suspek na si Mamerto Regal, ng Del Mundo Street, Gracepark, ng lungsod.

Batay sa ulat, dakong alas-7:00 ng umaga ay nakapila ang biktima sa kanto ng 4th Avenue nang may dumating na pasahero.

Ngunit agad na siningitan ang biktima ng bagong dating na suspek sanhi upang mainis ang una.

Sinigawan ng biktima ang suspek at kinompronta hanggang sa magkasagutan ang dalawa at maghamunan.

Naglabas ng dalang patalim ang suspek at pinagsasaksak si Umbaga.

Huli na nang masaklolohan ang biktima ng mga opisyal ng barangay at pulisya makaraang masawi dahil sa pagkaubos ng dugo habang ang suspek ay tumakas.

Show comments