MANILA, Philippines - Naligtas ng mga elemento ng Philippine Navy ang 12-Badjao habang 45 pa ang pinaghahanap nang lumubog ang tatlong bangkang sinasakyan ng mga ito sa karagatan ng Sibutu island, Tawi-Tawi kamakalawa ng gabi.
Kinabibilangan ng apat na bata ang na-rescue sa mga biktima at walong matatandang Badjao.
Sa imbestigasyon, bandang alas-6 ng gabi nang lumubog ang tatlong bangka na ang bawat isa ay may lulang 19 Badjao o 57 katao nang balyahin ang mga ito ng naglalakihang alon bunsod para ito ay lumubog.
Ang nasabing mga Badjao ay patungong Sabah, Malaysia para magbenta ng isda nang mangyari ang insidente at mabuti na lamang na napadaan sa lugar ang M/V Savina, isang bulk carrier ng Australia patungong China.
Agad namang nagresponde ang Patrol Gunboat (PG) 104 ng Philippine Navy ng matanggap ang impormasyon at nailigtas ang 12 survivors na inabutan sa lugar.
Ngayon ay patuloy naman ang search and rescue operation sa mga nawawala pang biktima.