MANILA, Philippines - Bagama’t nagpalabas na ng commitment order ang Bulacan Regional Trial Court para sa paglipat ng kulungan ni dating Major Gen. Jovito Palparan ay humiling naman ito sa korte na payagan ang kanyang pananatili sa National Bureau of Investigation (NBI) detention cell.
Batay sa urgent ex-parte motion to stay detention, hiniling ni Palparan kay Judge Teodora Gonzalez ng Malolos RTC Branch 14 na irekonsidera ang paglilipat dahil sa isyu ng seguridad.
Nakasaad sa kanyang mosyon na may intel reports na hawak ang mga sundalo na nagsasabing bumuo na ang New People’s Army ng liquidation squad na nagbabalak pumatay kay Palparan kaya kailangang matiyak ang kaligtasan nito.
Una nang sinabi ng NBI na hindi magiging madali ang paglilipat sa retiradong sundalo dahil malayo ang Bulacan at lantad ito sa anumang posibleng hakbang ng mga kalaban nito.
Si Palparan ay nahaharap sa mga kasong kidnapping at serious illegal detention dahil sa pagkawala ng UP students Sherlyn Cadapan and Karen Empeño noong 2006.