MANILA, Philippines - Kumpiyansa ang Malacañang na ang natitirang tatlo ng “Big 5” high profile fugitives ay maaaresto na rin sa lalong madaling panahon.
Kahapon ay bumagsak sa kamay ng batas ang ikalawang high profile fugitive na si dating Maj. Gen. Jovito Palparan sa pinagtataguan nitong bahay sa Sta. Mesa, Maynila matapos na makita ito ng mga intelligence operatives na nagwi-withdraw sa ATM machine dakong alas-3:30 ng madaling-araw.
Una na ring naaresto si Delfin Lee, na arkitekto ng isang P7-bilyon pabahay scam ng mga kasapi ng Task Force Tugis sa lobby ng Hyatt Regency Hotel and Casino sa Ermita, Maynila noong Marso 6, na halos dalawang taon na pagtatago sa batas sa kasong syndicated estafa.
Ang tatlo sa natitirang “Big 5” ay sina dating Palawan Gov. Joel Reyes, ang kanyang kapatid na lalaki at dating Coron Mayor Mario Reyes, dating Dinagat Island Rep. Ruben Ecleo na kapwa may patong sa ulo na P2 milyon para sa kanilang ikadarakip na inaasahang susunod nang babagsak na pawang matagal nang pinaghahanap ng mga otoridad.