MANILA, Philippines - Isang tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang nasawi matapos mabaril ng mga rumespondeng pulis nang magwala at magpaputok ng baril ng una kamakalawa sa Caloocan City.
Kinilala ang nasawing si Alfred Tan, 32-anyos, nakatalaga sa Malabon City Jail at residente ng Ruby Street, Brgy. Talipapa, ng lungsod.
Isasailalim sa imbestigasyon ang mga rumespondeng pulis na nakabaril at nakapatay sa biktima.
Sa ulat, dakong alas-7:00 ng gabi nang makatanggap ng sumbong ang Caloocan Police ukol sa isang nagwawalang lalaki na nagpaputok ng baril sa kanilang lugar sa Brgy. Talipapa.
Nang rumesponde ang mga pulis sa lugar ay agad umano silang sinalubong ng putok ng baril ng biktima.
Gumanti ng putok ang mga pulis kung saan tinamaan si Tan.
Nasamsam sa lugar ng insidente ang 19 basyo ng M-16 armalite, 2 basyo ng kalibre .45, at rifle na Squire Bingham na kargado ng 1 bala.