Galing lamay: 7 patay

MANILA, Philippines - Nauwi sa trahedya ang pakikipag­lamay ng isang grupo matapos ang sinasakyan nilang trak na pauwi sa kanilang mga bahay ay sumalpok sa puno na ikinasawi ng 7 katao at pagkasugat ng 20 iba kamakalawa sa Brgy. Poblacion, Linamon, Lanao del Norte.

Ang mga nasawi ay kinilalang sina Rasmiyah Didaagun, 25; Jehan Didaagun, 12; Noraima Pundag, Mabul Obinay, 35; Amarodin Linang, Abdul Rashid Hasan at Maoday Sanairay; pa­wang residente ng Pendulonan, Munail ng nasabing lalawigan.

Isinugod naman sa pagamutan sina Kedi­nganlina Ampuan, Ali Khan Pantao Didaagun, Sultan Dima­sangla, Janodin Abdulwahab Pintor, Mohamad Amola Acmad, Ninaya Cauyag Mangcol, Abdul Asis Cauyag Sulan, Norhanifa Pantao Didaagun at iba pa.

Batay sa ulat, bago nangyari ang aksidente dakong alas-3:25 ng ha­pon sa nasabing lugar ay lulan ang mga biktima sa trak na minamaneho ni Abdul Azis Baro pauwi sa kanilang mga bahay matapos ang pakikipag­lamay sa namatay na kaibigan sa Wato, Lanao del Sur.

Habang binabagtas ang nasabing highway ay nawalan umano ng preno ang trak bunsod upang sumalpok ito sa puno ng niyog sa tabi ng highway.

Sa lakas ng pagkakabangga ay dead-on-the spot ang apat habang binawian naman ng buhay sa pagamutan ang tatlo sa mga ito.

Show comments