MANILA, Philippines - Sasalubungin ng mga motorista ngayong Lunes ang tapyas-presyo sa produktong gasolina ang ipatutupad ng ilang kumpanya ng langis.
Sa advisory ng independent player Flying V, nasa P.90 sentimos ang kanilang itatapyas sa presyo ng kanilang gasoline dakong alas-12:00 ng madaling araw.
Nag-anunsyo rin ng rollback ang isa pang small player na PTT at miyembro ng Big 3 na Petron Corporation na kapwa magbabawas ng P.85 sentimos kada litro sa gasoline.
Wala namang pagtatapyas sa presyo ng iba pang produktong petrolyo tulad ng diesel at kerosene.
Inaantabayanan din naman ang anunsyo ng iba pang kumpanya ng langis na inaasahang susunod sa pagbabago sa presyo sa gasolina.