MANILA, Philippines - Maituturing ng mga pulis na tsamba lang ang pagkakaaresto nila sa dalawa nilang kabaro na nakumpiskahan ng shabu matapos na ituro sila ng naarestong karnaper ng motorsiklo kahapon ng madaling-araw sa Tondo, Maynila.
Ang dalawang suspek ay kinilalang sina PO3 Jessie Villanueva alyas “Boy Bayawak”, na may nakabinbing kaso at summary dismissal kaugnay sa extortion at dating nakatalaga sa Manila Police District-Station 2 at SPO1 Lovely Bacani, Northen Police District (NPD) at dati ring nakadestino sa MPD headquarters.
Ayon kay Senior Inspector Rommel Geneblazo, hepe ng MPD-Anti-Carnapping, bago naaresto ang dalawang pulis ay nagsagawa ng spotting operation ang kanyang mga tauhan at dito ay sinita nila si Larry Santiago na may dalang Yamaha Mio sa kanto ng Fugoso at Alonzo St., Sta. Cruz, Maynila.
Nang imbestigahan ay umamin si Santiago na karnap ang dala niyang motorsiklo at nang kapkapan ay narekober ang plastic sachet ng shabu.
Sinuri ng mga pulis ang mga message sa cellphone ni Santiago ay dito ay natuklasan ang mga transaksiyon at pinagre-remit siya ng pera sa droga ni PO3 Villanueva.
Namataan ng mga pulis si PO3 Villanueva sa bahagi ng Tayuman St., na minamaneho ang kanyang Suzuki Sky drive motorcycle na walang plate number kaya’t ito ay pinara at kinapkapan at dito ay nakumpiska ang dalang shabu na may timbang na 4.9 gramo.
Nang kunin naman ng mga otoridad ang cellphone ni PO3 Villanueva ay nakita ang palitan ng text message nila ni SPO1 Bacani na magdedeliber sa kanya ng isang bulto ng shabu.
Nang ipahatid ni PO3 Villanueva ang nasabing shabu kay SPO1 Bacani sa Puregold Tayuman at doon na rin ito inaresto. - Ludy Bermudo, Patrick Andal (trainee) -