MANILA, Philippines - Dedo ang isang hindi pa nakikilalang babae nang tamaan ng ligaw na bala buhat sa dalawang lalaking namaril malapit sa isang terminal ng tricycle sa Valenzuela City, kahapon ng madaling araw.
Ayon sa pulisya, inaalam pa rin ang pagkakakilanlan ng biktima na nagtamo ng tama ng bala ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril sa katawan. Masusing sinisiyasat naman ang pagkakakilanlan din ng dalawang tumakas na suspects na naiwan sa lugar ang sinasakyang trak (WTS-859).
Sa inisyal na ulat, dakong alas-5:30 ng umaga nang bigla na lang pagbabarilin ng dalawang nasabing suspects ang isang sasakyan sa tapat ng North Luzon Expressway sa C5, Brgy. Ugong, ng naturang lungsod.
Sinuwerte naman na makatakas ang binaril na sasakyan ngunit minalas na tinamaan ng ligaw na bala ang biktimang babae na siyang napuruhan.
Mabilis na tumakas ang mga suspects at sa pagmamadali ay iniwan na lamang ang sinasakyan nilang trak. Ang naturang trak ngayon ang gagamitin ng pulisya upang matukoy ang mga ito.