MANILA, Philippines - Mula sa kulungan ng Women’s detention facility ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa Camp Crame ay ililipat na sa kustodya ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang modelong si Deniece Cornejo.
Ito ang kinumpirma ni PNP-CIDG Chief P/Director Benjamin Magalong matapos na natanggap na nila ang court order mula sa Taguig City Regional Trial Court (RTC) Branch 271 para mailipat ng kulungan si Cornejo.
Subalit, nagsumite muli kahapon ng ‘urgent motion’ ang mga abogado ni Cornejo sa korte para manatili itong nakakulong sa PNP-CIDG.
Si Cornejo ay nahaharap sa kasong serious illegal detention dahil sa insidenteng pambubugbog sa actor/tv host na si Ferdinand “Vhong” Navarro ng grupo ng negosyanteng si Cedric Lee na naganap sa condominium unit nito sa Forbeswood Heights Condominium sa Taguig City noong Enero 22 ng taong ito.