MANILA, Philippines - Mga patay at sanggol umano ang ilan lamang sa benepisyaryo ng mga proyekto na pinondohan ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) ni Senator Jinggoy Estrada.
Ito ang inihayag ni Atty. Vic Escalante- graft-investigating at prosecuting officer ng tanggapan ng Ombudsman sa isinagawang bail hearing ng Sandiganbayan kaugnay ng kasong plunder at graft ni Estrada na may kinalaman sa pork scam.
Sinabi ni Escalante, wala ni isa mang local officials at benepisyaryo ng mga probinsiya ang nakinabang sa mga proyekto ni Estrada mula sa kanyang pork barrel.
Ayon kay Escalante na ang kanyang pahayag ay resulta ng isinagawa nilang field interview at pagberepika sa mga sinasabing benepisyaryo ng proyekto ni Estrada mula June hanggang July 2013 sa mga lugar ng Umingan, Pangasinan; Mabitac, Laguna; Agusan del Norte; Surigao del Sur; Carascal; San Agustin; Prosperidad; San Luis; Esperanza at Zamboanga.
Ang mga nakausap nila ay mga local officials at agriculturists ay nagsabing hindi nakinabang sa PDAF ni Estrada.