MANILA, Philippines - Basag ang bungo ng isang 33-anyos na obrero matapos hatawin ng dalawang beses ng baseball bat sa ulo ng isang empleyado na kanyang nakasagutan kahapon ng umaga sa Paco, Maynila.
Kinilala ang nasawing si Danilo Pecayo, pintor sa isang construction site, at residente ng no. 1340 A. Burgos St., Paco, Maynila.
Wala pang pagkakakilanlan sa suspek na pumalo sa biktima na umano ay empleyado sa Lawis Gym Equipment na tumakas kasama ang tatlo pang lalaki.
Sa pahayag ng isang nagtitinda ng diyaryo na nakita niyang nagbabatuhan ang biktima at ang suspek na taga-Lawis Gym dakong alas-7:30 ng umaga hanggang sa muli niyang makita na may hawak na ang suspek na stainless na baseball bat at may kasamang tatlong lalaki.
Hinabol ng mga ito ang biktima at nang maabutan sa panulukan ng Pedro Gil at President Quirino Avenue, Paco ay pinukol ang una ng bato ang lalaki na may dalang baseball bat.
Dito na umatake ang suspek at pinalo ng baseball bat sa ulo ang biktima at bumagsak. Nang muling tatayo ang biktima ay muli itong hinataw sa ulo at hindi na nakabangon pa.
Dinagdag pa ng testigo na habang nagbabatuhan ay nagpapalitan ng salita ang suspek at biktima sa salitang “Bisaya” kaya hindi niya naintindihan kung ano ang pinag-aawayan.