Mag-asawa itinumba ng manugang na hilaw

MANILA, Philippines - Kapwa nasawi ang isang mag-asawa habang ang anak nilang  babae ay nasa kritikal na kondisyon nang sila ay pagbabarilin ng kanilang manugang na hilaw na nagbaril din sa sarili kamakalawa ng gabi sa Sta. Ana, Maynila.

Namatay noon din si Sergio Aguilar, 47 habang ang misis nitong si Ma. Lourdes ay binawian ng buhay sa ospital.

Nasa kritikal namang kondisyon ang anak nilang si Maridref, 26, call center agent dahil sa tinamong tama ng bala sa likod at puwet.

Habang ang suspek na si Arvi Villa, 33, negos­yante at residente   ng  no. 3 Aquarius St., Remarville Subdivision, Bagbag, Novaliches, Quezon City ay kritikal din ang kalagayan nang magbaril sa sentido.

Sa imbestigasyon ni PO3 Marlon San Pedro ng Manila Police District-Homicide Section, bago nangyari ang krimen dakong alas-10:00 ng gabi sa Unit 104 Tenement Building, Sta. Ana, Maynila ay nagpunta ang suspek sa bahay ng mag-asawa upang pakiusapan ang ka-live in na si Maridref na sila ay magbalikan.

Nabatid na nilayasan ni Maridref ang suspek na kanyang naka-live in ng halos 6 taon noong nakalipas na linggo matapos ang pag-aaway at umuwi  ito sa magulang.

Subalit, tumanggi ang mag-asawa na mu­ling magkabalikan ang kanilang anak at ang suspek na hindi umano nagustuhan ng huli.

Bago umalis ang suspek ay nagpaalam ito sa mga biktima na gagamit ng banyo at ilang sandali paglabas ng banyo ay armado ito ng baril at pinagbabaril ang mga biktima bago nagbaril sa sarili. -Ludy Bermudo, Patrick Andal (trainee)-

 

Show comments