MANILA, Philippines - Sa pinakahuling survey ng Pulse Asia ay bumagsak ng 14 percent ang approval rating ni Pangulong Benigno S. Aquino III na epekto din ng naging desisyon ng Disbursement Acceleration Program (DAP) ng Korte Suprema na idineklarang unconstitutional ito.
Nakakuha na lamang ng 56 percent mula sa dating 70 percent approval rating si Pangulong Aquino sa Pulse Asia survey nitong June 24-July 2 sa 1,200 respondents.
Maging ang trust rating ni P-Noy ay lumagapak din sa 53 percent mula sa dating 69 percent trust rating nito.
Maging si Vice President Jejomar Binay ay bumaba din ang approval at trust rating sa pinakahuling survey ng Pulse Asia gayundin sina Senate President Franklin Drilon at Chief Justice Ma. Lourdes Sereno.
Bagama’t bumagsak ang approval rating ng Pangulo ay itinuturing pa rin ng Malacañang na mataas ito dahil mahigit 50 percent pa din ang nagtitiwala kay P-Noy.