6 nalason sa paksiw na isda
MANILA, Philippines - Nalason sa paksiw na isdang tamban ang anim na miyembro ng isang pamilya na kung saan ay nasawi ang ina habang ang lima ay naratay sa pagamutan naganap kamakalawa sa Sagay City, Negros Occidental.
Ang nasawi ay kinilalang si Elsie Bayona, 67-anyos, residente ng Hacienda Albina, Purok Kalubihan, Brgy.1 ng lungsod.
Nilalapatan naman ng lunas sa Vicente Gustilo Memorial District Hospital sa Escalante City ang iba pang miyembro ng pamilya na sina Melchor, 64; mga anak nitong sina Ronilo, 33; Ronald, 29 at Maricel 25 gayundin ang apo ng mag-asawa na 1 taon at siyam na buwan pa lamang.
Batay sa ulat, sinasabing nagpaksiw ng tamban na kung tawagin sa bisaya ay tulong ang pamilya na kinain sa pananghalian dakong alas-12:00 ng tanghali.
Ilang oras matapos kumain ng pananghalian ay bigla na lamang nahilo, sumakit ang ulo at tiyan ng mga biktima kung saan nagsuka ang mga ito bunsod upang isugod sa pagamutan.
Nabatid rin na namatay ang tatlong alagang pusa ng pamilya na umano’y pinakain rin ng mga ito ng nasabing isda.
Hindi naman isinasantabi na kontaminado ang tubig na ginamit ni Gng. Bayona sa paghahanda ng kanilang ulam.
Kumuha na ng sample ang mga health officials sa iniulam ng pamilya upang alamin kung ito ang nakalason sa mga biktima.
- Latest