MANILA, Philippines - Sa pagharap kahapon ng whistleblower na si Benhur Luy sa Sandiganbayan 1st Division ay iprinisinta nito ang ebidensiya ng pagtanggap umano ng 50 percent kickback ni Senator Bong Revilla mula sa kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF) na inilaan sa mga pekeng NGO ni Janet Napoles.
Ipinakita ni Luy sa pamamagitan ng dalang hard disk na mula 2006 hanggaang 2010 ay umabot sa P180 milyon ang inilagak na pondo ni Revilla sa iba’t ibang NGOs ni Napoles gamit ang kanyang PDAF kung saan ang kalahati umano ng naturang pondo o P90 milyon ay ibinulsa umano ng mambabatas.
Ang mga pinondohan anya ng pork barrel fund ni Revilla na ginamitan ng pekeng NGO ni Napoles ay naidaan sa pamamagitan ng mga proyekto sa ilalim ng Technology Resource Center (TRC) at National Agribusiness Corporation (Nabcor).
Ayon pa kay Luy na ang kapwa akusado ni Revilla sa kasong plunder na si Atty. Richard Cambe ay nakakuha dito ng 5 percent rebate, samantalang si Napoles ay nakakuha ng 32 percent habang ang head ng naturang mga ahensiya ay nakakuha ng 10 percent tulad nina TRC heads Dennis Cunanan at Antonio Ortiz gayundin si Allan Javellana ng Nabcor na akusado din sa kasong graft kaugnay ng pork scam.
Binanggit din ni Luy na si Revilla ay nakakuha pa ng 50 percent komisyon habang si Cambe ay nakakuha ng 5 percent na kickbacks sa mga proyektong naidaan naman sa National Livelihood Development Center (NLDC).
Ang naipakitang ebedensiya ni Luy ay nasa loob ng isang hard disk na kanyang ipinakita sa graft court at ito anya ay kanyang ginamit noong empleyado pa siya ni Napoles bilang record keeper.
Ang isinagawang pagdinig ay upang malaman ng graft court kung nararapat na payagan si Revilla na makapagpiyansa kaugnay ng kasong graft at plunder na may kinalaman sa pork barrel scam.