MANILA, Philippines - Sa kasagsagan ng isinasagawang mandatory evacuation ng pamahalaan sa libu-libong Pinoy sa Libya ay dinukot at hinalay ng mga kabataang Libyans ang isang Pinay nurse.
Ayon sa ulat ni Department of Foreign Affairs (DFA) Spokesman Charles Jose, tinangay ng 6 kabataang Libyans ang Pinay noong Miyerkules (oras sa Tripoli, Libya) sa tapat ng kanyang tirahan at dinala sa hindi malamang lugar.
Pagkalipas ng dalawang oras na halinhinang panghahalay ng anim ay pinakawalan ang Pinay.
Dinala ng consular team ng Embahada ng Pilipinas sa Tripoli ang nasabing Pinay sa ospital para sa medical check-up matapos ang insidente at kasalukuyang nasa pangangalaga na Embahada.
Magugunita na noong Hulyo 15 ay isang Pinoy construction worker ang dinukot at saka pinatay ng mga armadong Libyan sa kasagsagan ng bakbakan sa Benghazi noong Hulyo 19.
Habang isinasagawa ang negosasyon sa pagpapalaya sa nasabing Pinoy ay pinugutan ito ng mga abductors na humihingi ng ransom. Natagpuan na lamang ang bangkay nito sa isang ospital sa Benghazi bago pa maibigay ng kanyang employer ang ransom money.
Kaya’t itinaas ng DFA sa crisis alert level 4 o mandatory evacuation noong Hulyo 20 para sa seguridad ng mga Pinoy sa Libya kasunod din ng pag-atake at pa-bomba ng mga militante sa Tripoli International Airport sanhi upang magsara ito sa pagpapatuloy ng sagupaan sa pagitan ng Libyan security forces at armadong mga rebelde.